Showing posts with label Krimen sa Pinas Bababa Na Cotto Pacquiao bakbakan. Show all posts
Showing posts with label Krimen sa Pinas Bababa Na Cotto Pacquiao bakbakan. Show all posts

Wednesday, March 31, 2010

Pilipinas, 12% VAT na nga Napagiiwanan pa rin ng mga Karatig Bansa sa Kaunlaran?

Ano ba ang nangyayari? Sa aking pagmamasid kung bakit halos wala nang bukas kung lumustay ng salapi ang mga pulitiko ay sa kadahilanang ang magiging kapalit ay higit pa na salapi, kapangyarihan, at pangalan na mailalathala sa kasaysayan na maaring tamasahin ng mga bagong henerasyon ng pamilya ng isang pulitiko.
Masakit lang isipin kung bakit nauungusan na tayo ng ating mga karatig-bansa sa kaunlaran. Hindi ko lang lubos maisip kung bakit sa kabila ng yaman at angking talino ng mga Pilipino ay salat pa rin sa pananalapi si Juan dela Cruz. Hindi ko tuloy maiwasang ikumpara ang isa sa mayayaman na bansa partikular ang maliit na bansa sa Timog Silangang Asya na hindi ko na pangangalanan na talaga namang makikita mo ang kaunlaran sa kabila ng 7% VAT lamang. Malaki pa ang kalakhang Maynila sa bansang ito na sumisingil lamang ng pitong porsyentong VAT subalit di hamak na mas mayaman sa ating bansa. Sa 7% na yan makikita mo ang buwis sa mga magagandang imprastraktura, at napakaginhawang transportasyon mapa-bus man, mapa-taksi o mapa-tren.
Isa pa sa napuna ko sa ating bansa ay kung bakit ginawa ang mga pampublikong imprastraktura na halos pumapabor lamang sa mayayaman at may mga sasakyan. Saan ka nakakita ng isang tawiran na hindi pedeng tawiran? Nakasasama ng loob na sa kabila ng buwis ng mamamayan ay kailangan mo pang bumaba at tumawid sa kabilang tawiran na magiging tagaktak ang pawis mo bago ka makapanaog. Isang masamang halimbawa rito ay ang tawirang bagong gawa sa MRT-Taft Station sa Pasay.
Ngayong panahon ng pangangampanya usong-uso ang pagpapakilala at pagpapabango ng pangalan ng mga negosyante at sugarol na mga pulitiko.Hindi ko naman nilalahat pero mas nakararami ang mga ito. Eto ba ang ipapamulat natin sa ating mga anak? Nasabi kong sugarol at negosyante sa kadahilanang isang paraan ng pamumuhunan at pagtaya manalo o matalo man sa eleksiyon ang isang pulitiko.
Ngayong panahon ng eleksiyon maging matalino tayo sa pagpili ng iboboto at huwag lamang po tayong titingin sa mismong kandidato, alamin po natin ang mga sumusuporta sa mga ito.
Habang nilalathala ko ang artikulong ito ay marahil ay natunaw na ang aking kinain sa fast-food kani-kanina lamang sa halagang PHP 150. Sa halagang ito ay hindi ko namamalayan na PHP 18 na pala ang buwis sa aking kinain. Kung sa isang araw ay isang milyong Pilipino ang kumain sa fast-food sa ganun ding halaga ay tiyak na may kinita na ang pamahalaan ng PHP 18,000,000 sa katulad ng kinain ko lamang. Naniniwala ako na bagamat hindi ako kawani ng Rentas Internas ng Pilipinas ay bilyon-bilyong piso ang kinikita nito sa isang araw pa lamang. Nasaan na ang mga salaping ito? Paano ginagamit sa tamang paraan?  Ngayon ako namumulat na kaya pala maraming patayan ang nagaganap sa pulitika lalo na sa panahon ng eleksiyon ay dahil sa pera na maaring mapasakamay ng mga taong may kapangyarihan sa pamahalaan.   Iyon ang hindi ko lubos maisip ng ako ay musmos pa lamang mga dalawampung dekada na ang nakararaan.



Ang ipinuputok ng kalooban ko ay ang 12% VAT na kung bakit mula sa nakamulatan kong 10% na nagtaas ng 12% ay ganun pa rin, wala pa rin makain ang nakararaming pamilyang Pilipino. Kasakiman, kurapsyon, at kakulangan ng disiplina ang mga pangunahing dahilan ng kahirapan natin. Dapat ay putulin na ang ganitong nakagawian sa pulitika. Hindi po kakayanin ng ating mga namumuno, dapat po na magkaisa tayo at tutukan ang mga nang-aabuso sa pamahalaan at sa sistema ng ating pamumuhay.

   


Friday, November 13, 2009

Krimen sa Pinas Bababa Na!


Bukas, ika-15 ng Nobyembre ay inaasahan sa buong Pilipinas ang pagbaba ng krimen. Kung kayo ay may lakad sa araw na ito maniguro na isaayos ang inyong skedyul dahil baka mahuli kayo sa bakbakan ng dalawang sikat na boksingero ngayon. Huwag kayong magtataka kung daig pa ang protestang tigil-pasada ng mga organisasyon ng mga pampasaherong jeep o bus sa pinakaaabangang araw na ito. Nakatutuwang isipin na ayon sa talaan ng pulisya na bumaba ang kriminalidad sa bansa nang mga nagdaang laban ng pambansang kamao na si Manny Pacquiao. Mabuti na lamang at ginawang Linggo sa Pilipinas (Sabado ng gabi sa Estados Unidos) kung hindi baka maraming hindi makakapasok sa kani-kanilang trabaho at nandyan na naman ang mga walang humpay na mga palusot tulad ng pagtatae, masakit ang ngipin, nilalagnat, at iba pang gasgas na diskarte ng mga empleyadong hindi pumasok para lang kumain ng tsitsirya habang masayang nanonood ng mga suntok ni Pacquiao sa loob ng ring.

Ang pinakaaabangan ko ay ang pagtatapos ng laban at ang pagsagot ni Pacquiao “you know” sa mga katanungan “you know.” Kilalang-kilala si Pacquiao sa buong mundo. Nang ako ay magawi sa ibang bansa partikular sa Singapore ay may nakilala akong grupo ng kabataang lalaki na nasa edad 14-21. Pawang mga taga Europa ang mga bagito at ang isa ay boksingerong taga-Englatera. Napagusapan namin ang huling laban ni Pakman kay Ricky Hatton. Masakit ang pagkatalo ni Hatton ngunit malugod na tinanggap ng mga ito at napabilib sila kay Pakman. Halos mapaiyak ako hindi dahil sa suntok kundi dahil sa pangingibabaw ng pagka-Pilipino ko. Nagsitayuan ang mga balahibo ko ng sila ay labis na humanga sa ating pambansang kamao. Naantig ang damdamin ko nang mas higit pa nilang kilala si idol kesa sa pagkakakilala ko. Nakatutuwang isinisigaw nila ang tulad nito, “From General Santos City…Manny Pacman…Pacquiao…….!”. Gayang-gaya nila ang tagapagsalita sa boksing.

Isa lang ang masasabi ko na bukod sa napakagaling ni Pacquiao ay siya lang ang kumakantang boksingero at wala pa akong naririnig na awiting mula sa mga nakalaban niya. Nakatutuwang panoorin din ang nanay niyang si Aling Dionisia na tinaguriang PacMom! Ang hangad ko lang sa tulad ni Pacquiao na hindi siya lolokohin ng mga nakapaligid sa kanya. Isa siyang tunay na bayani sa henerasyon ngayon na nararapat lang na pangalagaan upang mabigyan rin niya ng mga magandang motibasyon ang mga nagnanais na tularan siya. Nakatatak na sa buong mundo na ang Pilipino ay de-kalidad na boksingero, at kinatatakutan.



Ang tagumpay ni Pacman ay tagumpay ng bawat Pilipino! Sana makitaan namin ang paglampaso mo kay Cotto. Alam namin na iyong pinaghandaan ang laban na ito at kung anuman ang kahihinatnan ikaw pa rin ang pambansang kamao namin.