Thursday, October 22, 2009

Metro Manila Gagawing Probinsiya Na Lang!

Ayon sa isang kilalang pahayagan dito sa Pilipinas may mga panukala diumano na balak gawing isang ordinaryong probinsya na lang ang Kamaynilaan. May mga nagsusulong na maisakatuparan ang panukalang ito dahil sa laging nararanasan na kalamidad lalo na tuwing bumabagyo. Marami na ang mga negosyo at pangkabuhayan na nasisira taon-taon sa tuwing hinahagupit ng mga kalamidad. Kaunting ulan lang ay napakataas na ng tubig baha lalo na sa mga mabababang lugar sa kalakhang Maynila.

Marami namang lugar sa ating bansa na hindi tinatamaan ng mga labis na kalamidad, isa na po rito ang Davao at ilan pang bahagi ng Mindanao.

Kung kayo po ang tatanungin, sang-ayon po ba kayo na ilipat na ang kabisera ng Pilipinas?


Isang larawan na kuha sa ilalim ng LRT2-Recto Station.

Monday, October 12, 2009

Botolan, Zambales


Marami ang nasalanta sa panahon ng mga bagyo na dumadaan sa Pilipinas kabilang na ang Botolan, Zambales na hindi natatawiran ang kalsada. Makikita sa larawan sa ibaba ang hagupit ng bagyo na labis na naminsala sa bayan ng Botolan, Zambales.





Isang bahay ang nawasak dahil sa labis na lakas ng hagupit ng bagyo. Nilamun ng tubig ang lugar na ito ng Botolan.


Ito po ay kuha sa loob ng Victory Liner Bus papuntang Sta.Cruz na kung saan ay isa sa mga huling biyahe bago tuluyang isinara ang kalsada kinabukasan dahil sa labis na pag-ulan sanhi ng bagyo.


Ito po ay sa tabi ng kalsada na tila isang puno na tumubo sa ilog. Nagkakamali po kayo, ito po ay sa tabi ng kalsada na binaha ng husto.



Isang waiting shed sa tabi ng kalsada.



Isang kuha sa tabi ng daanan.



Sa tabi pa rin po ng daananan kuha sa loob ng isang bus patungong Northern Zambales. Sa mga panahon na ito maraming mga sasakyan rin po ang tumirirk.







Saturday, October 10, 2009

Superferry 9 at Ang Kasama Nitong Lumubog


Sa kabila nang maiinit na balita dahil sa mga kalamidad na nararanasan ng ating bansa ngayon ay nadagdagan nang lumubog ang pampasaherong sasakyang dagat na pagmamay-ari ng Aboitiz Lines. Marami sa mga barko nito ang nasuspinde dahil sa isa na namang sakuna na naitala sa kasaysayan ng Pilipinas sa paglalayag sa karagatan.
Marahil nagtataka kayo kung bakit ang pamagat ng artikulong ito ay napatutungkol rin sa kasama nitong lumubog. Kasama nitong lumubog ay ang pangarap at pag-asa ng mga biktimang namatay sampu ng kani-kanilang pamilya at kamag-anakan. Sadyang napakasakit ang nararanasang pagdadalamhati ng mga kapamilya at kaibigan ng mga sinawing palad na makaligtas.
Mukhang lumubog na rin ang pag-asa na masaayos ang seguridad ng mga barko bago ibiyahe. Sino ang dapat sisihin? Sa aking pakiwari, mas  mayroong pagkukulang ang inspector at pamunuan na nagpapahintulot para maglayag ang barko. Di rin dapat ipagwalang bahala ang kapabayaan ng pamunuan ng sasakyang pangkomersiyo.
Nakailang ulit na ang trahedya na kinasasangkutang ng mga pampasaherong barko. Para na bang bagyo na bumabalik-balik ang kapahamakan na nagyayari sa ating mga kababayan subalit wala pa ring pagbabago. Ang mga tunay na biktima rito ay ang maraming mga kababayan nating mahihirap na hindi kayang maglayag gamit ang sasakyang panghimpapawid. Para bang pinagkaitan na ng kapalaran and mga kababayan nating maralita. Sa kabila ng kahirapan kamatayan pa sa pamamagitan ng pagkalunod. Ang iba ay namatay dahil sa lubos na pag-alala na sila ay malulunod hanggang sang iba ay nawalan ng malay. Ang mga nawalan ng malay ay natatapaktapakan pa ng kapwa nila pasaherong labis din ang pagaalala sa kani-kanilang kaligtasan.
Nasaan ba ang hustisya? Marami ng buhay ang kapalit wala pa ring nagagawang paraan ang pamahalaan. Nararapat lang na magdusa ang mga sangay rin ng gobyerno na may responsibilidad sa pagpapatupad ng seguridad sa mga barko.


Monday, September 21, 2009

Brain Twister : Ang Sepulturero at ang Babae





Ano nga ba ang brain twister sa tagalog? Pagpihit ng utak? O dili kaya pagpaikot ng utak? Ipagpaumanhin po ninyo, di na bali kung may pagka-Taglish ng konti ang lathalain kong ito ang mahalaga ay maiparating ko ang gusto ko na ibahagi sa mga minamahal kong taga-subaybay na mambabasa.




Eto po and text message na aking natanggap noong Setyembre 15, taong kasalukuyan:

________________________________________________________
Brain Twister: sa cmentryo my 1ng sepol2rerong ngli2ns ng nitso ng my ba2eng dumatng at tnanong ito ng sepul2rero ":kaano ano nyo po ang patay?" angsbi nmn ng ba2e: "ang ina nya ay solong anak ng ina q." kaano2 ng ba2e ang patay? NO reply, NO IQ!
________________________________________________________

Ako po ay nag-isip ng tatlong minuto at ginamitan ko pa ng papel at lapis, hehehe..nasagot rin po ng inyong abang lingkod!

Sa mga mambabasa, oo kayo po at huwag na po kayong lilingon sa likuran nyo...kapag walang sagot walang IQ, hehehe.

Sunday, September 13, 2009

Noynoy Aquino Para Presidente?

Nararapat ba na maupo bilang pangulo ng bansa ang kaisa-isang anak ng dating pangulong Corazon Aquino at dating senador Benigno "Ninoy" Aquino? Ito po ang katanungan ng sambayanang Pilipino na mainit na pinaguusapan ngayon.

Sa kabila nito ako ay lubos na humahanga sa isa sa pinakamabigat na desisyon na ginawa ni Senador Mar Roxas. Sa kabila ng ingay at maraming patalastas na namayagpag sa radyo, telebisyon, at sa mga iba pang pahayagan na tila ba nangangampanya na siya noon, siya po ay nagsakripisyo para pagbuklurin ang partido na kinabibilangan niya at ni Noynoy. Pinauubaya ni Mar Roxas ang pagkapangulo kay Noynoy Aquino. Magagampanan ba ni Noynoy ang pinakamabigat na laban sa buong Pilipinas? Nakahanda ba siya na maupo at ang kaakibat nito ay mga puna na maaaring ipupukol sa kanya kapag siya ang maupong lider ng bansa? Sino nga ba si Noynoy bilang isang Senador at ang mga ibang posisyon na kanyang nahawakan? Kailangan nating malaman at kalkalin ang kanyang mga nagawa hindi lamang sa Senado kundi sa mga kumpanyang kanyang napasukan at ang pinakamabigat ay bilang isang tagapaglingkod sa bayan. Totoo pong hindi biro ang maglingkod sa bayan. Ang mga opisyales ng bayan ay tagapaglingkod at hindi dapat para sila ang paglingkuran ng mamamayan. Sawang-sawa na ang Pilipino sa mga pangako ng mga pulitiko. Bago tayo magpasya sa halalan kung si Noynoy ba ay karapatdapat, kailangan po natin ng masusing pagaaral at kalimutan na po natin na anak siya ng mga prominenteng tao sa ating lipunan.

Wala po akong masamang tinapay para kay Noynoy. Mukha naman siyang mabuting tao pero ang isang bagay na atin pong pagkatatandaan ay ang mga alipores nito? Hindi po kaya parang mauulit ang panahon ni Corazon Aquino na nagsilbi ng tapat sa bayan subalit ang kanyang mga tagasuporta ang siyang nangurakot ng husto? Alamin po natin ang mga pulitikong may mga naging isyung kurapsyon na sumusuporta kay Noynoy. Alamin rin po natin ang mga negosyanteng sumusuporta po rito. Maging matalino po tayo sa pagpili ng iboboto. Ito po ay isang hakbang para sa ating mga anak at sa susunod na henerasyon ng bayan na matamasa nila ang totong demokrasya, hustisya at kaunlaran ng bansa.

Tuesday, September 1, 2009

Dakilang Pilipino Sa Kabila ng Kahirapan

Noong Agosto 27, 2009 mayroong pangyayari na naganap mismo sa aking buhay. Marahil maituturing na isa lamang ordinaryong insidente na maaari ring maganap sa sinuman. Simple lang ang aking kuwento at ito ay napatutungkol sa mag-ina na nakapulot ng aking cellphone.

Habang ako ay naglalakad sa may Farmers Plaza sa may Cubao, Quezon City ay biglang nahulog ang aking pinakamamahal na cellphone. Mahal ko ang cellphone na iyon sa kadahilanan na maraming naka-imbak na mga mensahe galing sa aking pinakamamahal sa buhay at mga mahahalagang talaan ng mga numero ng mga kaibigan at mga taong may kaugnayan sa aking negosyo. Ang pag-aakala ko ay wala nang Pilipino na may magandang loob na magsasauli ng aking mahalagang personal na kagamitang pangkumunikasyon. Sinubukan ko na magpadala ng mensahe na makikita sa ibaba:

" Sa nkapulot ng cp ko pls pkiblik pu, mumurahin lng pu yan pero importante ung mga contacts. Mgbibgay po ako ng 500pesos maibalik lang po saken. Salamat po"
27/08/09 03:39PM

Ako ay pagawi nang Ortigas sa mga sandaling iyon nang may biglang tumunog sa isa ko pang cellphone. Buti na lang dalawa ang cellphone ko at naging malaking tulong sa aming pagtatagpo ng nakapulot sa maituturing ko na isa sa mahahalagang bagay sa akin. Bumalik ako sa may Cubao at kinatagpo ko ang mag-inang nakapulot sa nasabing cellphone. Nabanaag ko ang kahirapan sa mata ng Ale habang iniaabot niya ang mahalagang bagay ko na nawala. Nang iniaabot ko na ang limandaang piso (PHP 500) bilang pabuya para isakatuparan ang aking pangako ay laking gulat ko na ayaw tanggapin ang pera. Ang sabi ko ay bilang pasasalamat at ito ay itinalaga ng Panginoon na sila ang makapulot ng cellphone ko. Marahil nangangailangan rin sila ng pera sa mga panahon na iyon. Alam ko ramdam nila ang sarap ng pagiging mabuting mamamayan sa lipunan at maliban doon mayroon pa silang PHP500 na maituturing na mahalagang bagay na sa mag-ina para pangkain sa araw na iyon. Sa kabilang dako tila ako pa ang nakokonsensya na kung bakit PHP500 lang ang aking iniabot. Napakasarap din na magbigay tulong at pasasalamat sa kadakilaan at kabutihan ng ating kababayan na tulad ni Aling Ruth Reyes.

Sadyang masarap ang tumulong sa kapwa at walang katumbas na halaga ang pagiging mabuti.

Ipinangako ko kay Aling Ruth na huwag siyang mag-atubiling tawagan ako kapag kailangan niya ng tulong. Sana ay dumami pa ang tulad ni Ruth at maging mabuting halimbawa sa kapwa at lalong-lalo na sa kanyang anak.Pinupuri kita Ruth at saludo ako sa iyo. Ikaw ay tapat at tunay na Pilipino sa kabila ng kahirapan na ating nararanasan sa ngayon.


Nawa'y laging patnubayan si Ruth ng Panginoon at mailayo sa anumang sakit at kapahamakan ang kaniyang pamilya.

Saturday, August 29, 2009

Papaano Malulunasan and Kahirapan Sa Pilipinas?

"Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan", iyan po ang katagang binitiwan ng ating mahal na bayaning si Gat Jose Rizal. Sa mga suliranin natin ngayon, masasabing ang pangunahing mababanaag ko sa mata ni Juan dela Cruz sa pangaraw-araw ko na obserbasyon sa pakikisalamuha sa ating mga kababayan ay walang iba kundi ang "kahirapan". Ang kahirapan ay kaakibat nito ang pagiging salat sa pinansyal na pangangailangan.

Ang isang kilo ng bigas ay dati-rati ay may nabibili ako ng PHP24 subalit sa ngayun ay umabot na sa higit sa PHP30 sa loob lamang ng isang taon. Maraming suliranin ang hindi nasulusyunan ng ating mga butihing namamahala sa ating bayan. Di ba nakakasakt isipin na puro pangako na lang ang naririnig natin sa kanila? Nasaan ang solusyun? Oo nga at hindi naman natin mababago ang takbo ng ekonomiya sa bansa sa pamamagitan ng pagluklok ng isang bagong pangulo. Gasgas na ang mga linya nila sa mga pangako ng pagbabago. Ang dapat lang nilang gawin ay kung papano nila pagpahalagahan ang pera ng bayan. Sila ay nakaupo hindi para silbihan kundi upang maglingkod. Sa darating na eleksyon siguradong marami na naman ang maghahangad ng kanikanilang plano na maaaring taliwas sa kanilang ipinapangako.

Sa puntong ito ng aking lathalain, ang tanong na matagal nang humihingi nang kasagutan ay kung papaano ba umunlad ang buhay ng mga Pinoy? Narito po ang mga sumusunod na pwedeng makapagpabago sa ekonomiya at muling umangat ang Inang Bayan upang hindi tayo kukutyain ng mga mayayamang bansa:

1. Kailangan na ang namamahala sa ating bansa ay mayroong katangian kung paano gumabay at mamuno para sa pagtaguyod ng pagkamalikhain ng mga pinoy lalo na sa larangan ng pangangalakal o pagnenegosyo.Dapat na maging likas sa bawat Pilipino ang pagiging mahilig sa pagnenegosyo.

2. Dapat ang mga namumuno sa bayan ay may kaalamang pang-ekonomiya ngunit hindi dapat sa kani-kanilang pansarili.

3.Ang kabulukan ay dapat mahadlangan at dapat ang mga sangay ng gobyerno (tulad ng Commision on Audit, at Office of the Ombudsman") na nanunuligsa sa mga kurap na opisyales ay di maimpluwensyahan ng mga malalaking pangalan sa pulitika.

4. Sa darating na halalan maging matalino sa pagpili ng mga iboboto. Alamin ang kanilang plataporma. Magsiyasat at kailangang alamin din ang mga datihang nangangako ng pagbabago at mga nagbigay ng plataporma sa nakaraang eleksyon na di naman natupad.Alamin din ang angking yaman kung sila ay nagpasarap lang sa pwesto.

5.Malaki ang partisipasyon ng pagbabago sa pamamagitan ng bawat Pilipino. Disiplina ang isa sa mga ito na dapat nating masimulan. Disiplina sa sarili, sa pagpapalaki ng mga anak, at pagmamahalan sa bawat isa. Nandito na pumapasok ang mga katagang binitiwan ni Rizal.

Tandaan na di natin dapat iasa na lang sa mga nakaupo.Simulan po natin ang pagbabago sa ating sarili.

Maraming salamat po!